Linggo, Enero 8, 2012

HALIK NG KAAWAY

Kung anghel ang kapiling sa lupang mapanghusga,
bunga’y gumagaan ang sa puso dinadala.
Ang halik ng isang anghel sa pisnging maganda’y
Maaaring halik din ng kaaway sa iba.

Kaibigang maganda at buhay ay marangya,
ang laging niyayakap at pugad ng paghanga;
ngunit ang kaibigang sa iyo’y mahiwaga,
pagdating ng panaho’y kaaway na masama.

Sa iyong paligid ay magmasid ilang saglit.
Ituon ang mata sa bituing maririkit,
na sa tuwing gabi,bago ka man lang pumikit
sana ay halikan mo ang naglalamay na langit.

Darating ang panahon na ang langit na yao’y
hahamunin ang katangian kong tinataglay.
Ang langit na dati’y lagi kong hinahalikan,
halik ng kaaway noong ako ay gantihan!





ANG ASO SA DAAN

Asong nagtatalik sa gitna ng daan.
Asong naghahanap ng pagkain sa basurahan.
Aso at pusang naghahabulan,
Kapag nagkatao’y masasagasaan.

Kaligayahan baga nilang gumala sa lansangan
na wari’y hinahanap ang dagliang kamatayan.
O mag-ingat,o magbantay,si Kamataya’y nariyan
sa larawan ng kayhagibis at rumaragasang sasakyan.

Ang mga tao’y katulad din sila,
na sa sariling pagkamatuwid ay gumagalang mag-isa.
Sa mabato’t matinik na daa’y tumatalon-talon pa
at kapag matinik ay tatangis na mag-isa.

O pagmasdan mo ang aso sa daan,
na sa Gawain ng tao’y walang pakialam.
Kapag naisipa’y hahabulin ka kahit saan
at sat alas ng ngipin,ika’y masasaktan.

“Mag-ingat ka sa rabies”,bulong ng ospital.
“Ingatan mo ang iyong buhay”,payo ng simbahan.
Ang sabi ko, “mag-ingat ka sa asong sa iyo’y nag-aabang
pagkat ang laway lang nila ang sa’yo ay papatay!”






TALINHAGA  

Busilak na pusong sa tuwina’y pinupuri
ang dapat pairalin upang di maaglahi.
Ang pusong kabiyak na ng lahat ng papuri,
ang kanyang tinitibok ay sa utak sinipi.

O ang buhay sa mundo ay tunay na kakatwa,
pagal mang kamay ay maraming nagagawa.
Ang makinis na kamay na pugad ng paghanga,
pagdating ng panaho’y pugad din ng dalita.

Ang yamang pamana lang ng magulang sa anak,
di dapat ipagmalaki’t lubhang ikagalak;
sapagkat ang mga yamang iba ang naghanap,
iba rin ang dangal na kanilang natatanggap.

Sinumang naghahanap ng mahirap makita
ay tulad ng umiiyak na wala ring luha.
Sinumang nagbabasang hindi umuunawa’y
tila humahalik lang sa paa ng dakila.

Langit na di marating kung iyo lang mamasdan,
libo mang tao’y tiyak na di makakamtan.
Ang langit na ang pangarap ko ay mahalikan;
nang aking yakapi’y isa na palang libingan.

      

Sabado, Enero 7, 2012

tulang may sukat at tugma at malayang taludturan

Isang Milyang Pangarap
ni Marvin Ric Mendoza

Nag-ugat at sumibol dito sa aking isip
ang isang kumikinang na ginintuang panaginip
bagaman ang aking mga mata'y hindi naman nakapikit
kung kaya aking natatanaw ang kaylawak na langit.
At naroon sa itaas ang bituing maririkit
na parang pangarap at gunitang hindi mawawaglit.
Ang puso ko'y tumimo't ang bibig ko'y may naisambit,
"Ang ngayon nga ay mawawala at bukas ang papalit."

Gusto ko ngang makapagpatayo ng sariling bahay.
Nais kong makaahon sa napakahirap kong buhay.
Sana'y sa halip na bato'y ginto ang aking mahukay
at sana ri'y aking maani ang bunga ng tagumpay
upang kung saka-sakali mang ako ay mamamatay,
ang lahat ng aking pinangarap ay akin nang taglay.
Ang aking mga pangarap ay maari kong mahintay
ngunit makakamit din lang sa galaw ng aking kamay.

Kasaganaan,tagumpay at yama'y aking ambisyon,
maging tagapagtanggol at huwaran ng ating nasyon.
Ang lahat ng pangarap ko'y saan kaya paroroon 
kung wala akong tagagabay at walang Panginoon.
Sa buhay ng aking kapwa'y buhay ko ang itutugon.
Mula sa pagkakadapa,ang bayan ko ay babangon
upang sa isang milyang pangarap naman ay lilingon
at upang ang sarili,huwag mabaon sa kahapon.

Sa paggising ni araw sa luklukan ng Silangan
ay simula rin ng paglalakbay na walang pagtahan
at tulad din ng aking pangarap na walang hangganan,
ang matatag na puso ay higit ko pang kailangan:
ngunit ang sarili'y kailangan ding pakaingatan
nang ang paghihirap at pagsisikap ay 'di masayang
upang kung si araw ma'y makarating na sa Kanluran,
tayo'y nakarating na rin sa ating patutunguhan....




SALAMAT MAAM (para sa aking guro F.J.)

Maam...Salamat sa iyong pang-unawa at ang munti kong isipan
              ay iyong kinahabagan.
              Salamat sa pag-ibig na sa aki'y pinaramdam.
              Ang aking pusong nasa bingit na ng pag-aalangan
              ay pinatikim mo ng tamis ng iyong pagmamahal.

Maam...Salamat sa iyong mabubuting itinuro
             at ang halaga ng aking buhay ay aking napagtanto.
             Salamat sa pagkakataong ika'y aking makapiling
             sa araw ng pighati at aking paninimdim.

Maam...salamat sa iyong payo
             na naghatid sa akin sa landas ng paraiso.
             Ang buhay kong minsan nang maalikabok na larawan,
             gamit  ang palad mo ay iyong nilinisan.

Maam...salamat sa mga salitang humubog sa akin
             na nagbigay ng pag-asang ang katotohana'y aking tuklasin.
             Hindi ko maitatatwang ako'y tao man din
             na palaging mali at kadalasa'y nahuhuli sa karera ng magaling.

Maam...salamat sa pagtulong na ako'y makaahon
             sa hirap at lungkot ng aking kahapon.
             Sa hiwaga ng iyong itinurong IKALAWANG PAGKAKATAON,
             tunay  ka ngang huwarang guro sa lahat ng panahon.

             Pagdating ng panahong ako'y katulad mo na
             asahan mong babaunin ko ang iyong ipinamana.
             Ang tulong mo na sa katauhan ko'y nagpaganda
              asahan mong mamanahin naman  ng iba.

Maam...salamat po minsan  pa
             at pagpapalain ka nawa ng POONG DAKILA
             na sa ati'y lumikha...





 


Ang Tinig ng Laruan
ni Marvin Ric Mendoza


Bagay na hawak-hawak pa ni Nene kahapon,
anak-anakan daw niyang laging kalong-kalong.
Sa kanyang pagtulog,sa tabi niya’y naroon,
Pagsapit ng umaga’y hahanapin pagbangon.



Sa hapag-kainan mangyari’y sinusubuan,
sa pagligo ay sabay ding pinaliliguan,
pagkatapos nito’y una pang bibihisan
at saka muling pupunta sa pook-libangan.



Ang bagay na ito ay ang mumunting laruan
na sa pagkabata ay lubhang kinagiliwan,
ngunit sa paglaki ay dagling kinalimutan
na parang ang halaga ay pangkahapon lang.



Masdan mo ang laruan sa sulok ng tahanan
na kahapon ay ngumingiti at parang may buhay.
Siya’y lumuluha,tumatangis,namamanglaw.
Sa yakap ng kaibigan,siya’y nauuhaw.



Iba na’t di na hilig ni Nene ang laruan,
Pera na kasi ang higit niyang kailangan.
“Kung araw at gabi ako ay maglalaro lang,
bukas ng umaga’y kakalam ang aking tiyan”



“Kahit ilang oras lang na tayo’y maglalaro,
wala na rin kasi sa aki’y nagpapaligo.
Dati,sa akin, yakap mo ang sumusuyo
ngunit ngayo’y alikabok sa’ki’y dumarapo.



Kapag ang laruan ay makapagsasalita,
Ang sasabihin n’ya ay “maglaro tayo bata”.
Kapag ang laruan ay maaaring lumuha,
sa kaydaming buhay,kalungkutan ang babaha.



“Dati ay may ningning pa ang aking mga mata.
Ang aking mga pisngi’y lubhang napakaganda.
Sa silong ng langit tayo ay laging masaya
bagaman ang lahat niyon ay hiram lang pala.



Kaligayahan mong ituring na ako’y sa’yo
at ligaya ko rin naming ako’y iyong-iyo.
Dati’y kaydaming batang sa’yo’y naninibugho
dahil sa iyong laruan,laruan mong si ako.



Ngayong ika’y malaki na’t hilig mo’y iba na,
‘wag mo akong pabayaang laging mag-isa.
Hiling ko,kung ang silbi ko sa iyo’y tapos na,
sa munting bata naman, ako ay ipamana….”
(ang tulang ito ay lahok sa SARANGGOLA BLOG AWARDS YEAR 3)





DAPIT-HAPON
ni: Marvin Ric Mendoza

Isang dapit-hapong madilim ang langit
Puno ng pangamba itong aking isip
Ang aking paligid ay lubhang tahimik
Habang si dilim ay marahang sumapit.

Sa dagat,si araw ay nagkulay pula
Simbolo ng paalam sa sinisinta
Ang liwanag sa bayan ay aalis na 
Kung kaya nakahanda ang bawat isa.

Itong si gabi naman ay lalatag na
Tinatakpan ang pangit man o maganda
Kahit maaagap at masisipag pa
Pagdilim ng langit ay namamahinga.

Sa pagpinid ng bintana’y natanaw ko
Ang isang kandilang may sinisimbolo
Pinag-iisip ko at pinagtatanto
Kung ano ang halaga sa’king puso.

Madilim ang gabi’t walang maririnig
Maliban sa awit ng mga kuliglig
Ang simoy ng hangin ay sadyang kaylamig
Habang naghahatid ng magandang himig.

Habang hinihintay ang bukang-liwayway
Naisip ko na ang gabi ay kaytagal
Sa dilim ng gabi’y kayraming pinaslang
Pagpikit ng mata’y kayraming namatay.

Bukas ay sisikat na muli ang araw
Subalit tiyak kong ako’y mamamanglaw
Ang kandilang kagabi’y aking namasdan
May pag-asa pa bang muling matatanaw?

Sa silangan, si araw ay namumuhunan
At sa kanluran naman namamaalam
Kaya ang taong lupa ang sinibulan
Ay tiyak na may langit ding makakamtan.

Ang nais ko sana’y laging maliwanag
Laging ilaw ang mababanaag
Ako’y kurus na sa lupa’y humahalik
At lumuluhod sa gintong mga tinik.

Ang umagang kayganda’y muling lilipas
At isang dapit-hapon ‘yong mamamalas
Sa bagay na’to’y walang makaiiwas
‘pagkat ang Diyos natin ang s’yang nagsabatas.

Kaya iyong masdan itong aking palad
Ang kapalaran ko ay dito nakasulat
Ang karangalang sa aki’y igagawad
Marahil sa hukay ko na matatanggap.

Ang katawan ko’y sa lupa ililibing
Sakaling dapit-hapon sa’ki’y darating
Ngunit ang buhay ko’y magiging bituin
Na sa taas ng langit ay magniningning.

Ang lahat ng buhay ay may dapit-hapon
Ang mga gunita’y ating tinitipon
Kung sakaling bukas ay ‘di na babangon
Tayo’y kandilang sa kamay na ng Poon..


 
   Karalitaan
ni: Marvin ric Mendoza

Sa bukid na tigang ay naroo't nag-iisip
ang isang taong sa hirap lamang nagtitiis.
Kung may katiting na gintong sana'y naisukbit,
ang lungkot na nadama'y sa saya ipagpalit.

Ang kahapo'y binalikang puno ng pangarap,
ang katiwasayan ay nais sanang malasap;
Ngunit dahil doon sa maling hagdan umakyat,
sa halip na riwasa'y sa dalita naharap.

Ang buhay na natamo'y lubhang pinagsisihan,
'pagkat bagabag sa puso'y laging nananahan.
Naisip pa man ding ng langit ay niyurakan
at pilit na pinahalik doon sa putikan.

Ang buhay nga sa mundo ay tunay na baligho,
parang gatas na matamis na naging maanggo.
Ubod-bait man, dalita yaong natatamo,
ubod-tibay pa ngang pisi, dagling napupugto.

Ang dumi sa mundong ngayo'y naglipana,
isipin man at hindi ay Diyos din ang may gawa,
Ang mga magnanakaw at sinungaling pa nga
ay 'di maitatatwang may silbi rin sa madla.

Ang dungis sa mukhang makikita lang sa dukha
ay tunay ngang may silbi at merong nagagawa.
Isipin mo kung wala kang dungis na makikita,
ang mga mariwasa'y tulad sa maralita.

Maraming nagsasabing ang Diyos daw ay maraya
'pagkat nakagapang lamang sila sa dalita
At ang mga katiting na yamang inaruga,
sa isang kisap-mata ay biglang nawawala.

Marami-rami na rin ang pating sa katihan
at babaeng marumi ang dangal at katawan.
Sa pag-ikot ng mundo 'di dapat kalimutan
na ang mga sanhi't dulot niyo'y karalitaan.

Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat
ang isang simbolong hadlang sa mga pangarap.
Ang ibang maralita'y sa langit umaakyat
at ang ibang mariwasa ay sa lupa bumabagsak.

Ang langit sa mariwasa'y lubhang mahalaga,
kawangis ay ginto at perlas ng maharlika.
Ang mahirap naman, sa anuma'y kuntento na
basta't mabuhay lang na marangal at masaya.

Karalitaa'y pagsubok sa kaydaming tao,
para sa mayayama'y papasanin ng husto,
Sa mahihirap nama'y pampatatag ng puso
na mula sa kahapo't sa bukas patutungo.


  WIKANG FILIPINO
ni Marvin Ric Mendoza

Ito ay punyal na ubod ng talim
Punyal na kumikinang sa gabing madilim
Ang puluhan nito ay utak na magaling
At ang talas nito’y kakaiba kung limiin.

Sa nakaraa’t sa ngayo’y patuloy na hinahasa
Na ang gamit ay kaydaming mga dila
Ang punyal na kaytagal nang ginawang pananda
Ay may bakas na rin ng kalawang at dagta.

Ang punyal na ito ay ang wikang Filipino
Na patuloy na umuunlad sa pag-ikot ng mundo
Ang kapara nito’y matigas na bato
Na ‘pag di ipukol ay di malaman kung ano.

Mula sa isang bibig ay kumalat nang kumalat
Mangyari’y dala-dala ng bapor na laging naglalayag
Ang wikang Filipino’y katulad ng kamandag ng ahas
Na sa isang sarili ay nagpapalakas.

Ang wika sa malayo ay kakaiba sa narito
Iba ang sa kanya, iba rin ang sa iyo
At dahil tayo ay kapwa Pilipino
Yakapin natin ang wikang Filipino.

Ang wikang Filipino ay ilaw ng Pilipinas
Liwanag sa pagtahak sa tuwid na landas
Gamitin natin at gawing lakas
At gawin ding pananggol sa darating na bukas.

Madaling magkaisa kung may pagkakaunawaan
Madaling makakita kung may liwanag na natatanaw
Madaling mananggol kung may lakas na taglay.
Sa lahat ng ito’y wikang Filipino ang daan.

Sa bukas na darating ay ating mamamalas
Ang dating ilaw ngunit bago nang landas
Maaaring paabante, maaaring paatras
Maaaring pababa, maaaring pataas.

Ang wikang Filipino’y magsisilbing gabay
Sa kayraming taong sa Pilipinas namamahay..
Sa tuwid na landas ay walang mawawalay 
Kung tayo’y hawak-kamay sa pag-abot sa tagumpay…




BAKIT NGA BA?
ni Marvin R.E. Mendoza


Bakit nga ba ang panaho'y sadyang mapagbiro?
Ang araw sa aki'y tila lumalayo.
Ang oras na dati ay inihambing sa ginto,
ngayon ang kapara ay mababa pa sa tanso.

Bakit nga ba ang panaho'y tila nag-iiba?
Dati ang kabanalan ang laging nangunguna.
Ngayon ay labas  na kahit sa una pang lima
na mga katangiang hinangaan ng iba.

Bakit nga ba ang tao kadalasan ay huwad?
Ang mukha sa harap,sa likuran ay baligtad.
Ang kilos na kung pagmasdan ay lubhang banayad,
palihim mong silipi't iba ang malalantad.

Bakit nga ba ang tao ay mabilis manghusga?
Naglalakad lang kahit walang sulyap sa paa.
Buka agad ang bibig sa isang kisap-mata
upang bigyang-latay ang katauhan ng iba.

Bakit ba umiikot ang mundo sa salapi?
Ang meron nito ay hanggang tenga ang ngiti.
Ang mga wala naman,ang gawai'y humikbi
'pagkat ang buhay nila'y kadalasang maikli.

Bakit ba nababago ng salapi ang tao? 
Ngiging masama ang dati'y mga santo.
Ang dating nakayuko'y naging taas-noo,
ang mga bulaklak pa'y naging masamang damo.

Bakit nga ba,bakit nga ba,bakit ba ganito
ang talinhaga sa buhay nating mga tao?
Ang sinumang di susunod sa ikot ng mundo
ay matitisod sa nakasusugat na bato.




GINTONG UPUAN
ni Marvin R.E. Mendoza

Gintong upuang sa gintong bahay ang lalagyan
Malaon na't hanggang ngayo'y pinag-aagawan
Sinumang kalahok sa paligsahang unahan
Kung wala ring salapi'y walang lulugaran.

May mga taong ang kamay daw ay nakalaan
sa pagtulong sa kaawa-awang mamamayan.
Panay ang pagkilos,larawan ng kabaitan
ngunit ang katotohana'y kabalintunaan.

Sa gintong upuan sakaling makaupo na,
daig pa ang larawan ng hari at reyna.
Sa pagbuka ng bibig,sa pagkilos ng mata,
tila nakalimutang may utang s'ya sa iba.

Ang bagay na ito na aking kinamulatan
mangyari ay akin na ring kinamumuhian.
Ang lahat ng umuupo sa gintong upuan
ay dapat na piliin at marapat husgahan.

Sa ating baya'y napakaraming dayo
pagdating sa pag-upo sa mamahaling trono.
Ang ugaling ito ba'y atin lamang hinango 
o nag-ugat nga sa lahi nating Pilipino?




Isang tula para kay TANDANG SORA

Noo'y matandang kulu-kulubot na ang balat.
Nanirahang mag-isa sa kapayapaan
kapiling ang binungkal na lupain.
Doo'y sumibol ang pagmamahal 
na nag-aruga sa mapag-alyansang keru-kerubin
ng kolonyang mapang-abuso.
Pinatuloy niya ang mga anak-pawis
at niyakap sa bisig na marurupok na
dahil sa mga ugat na kumakalat sa buong katawan.
Hindi nag-alinlangang pakainin at painumin
ang mga asong ulol at pusang pusali,
ni hindi dinapuan ng takot 
na mataob ang kaldero't maisaing ang sariling buhay.
May tapang na inaruga ang kaaway ng mga kaaway 
at kakampi ng mga kaaway ng kaaway.
Mapagtimpi...
mapagkandili...
mapagmahal...
mapagtanggol...
matapat sa bayan...sa pangako sa bayan.
Dinakip...
pinarusahan...
isinilid sa kalawanging bakal ng kalungkutan at paghihirap.
Ipinahalik sa paanan ng kalbaryo.
SUBALIT!!!!
hindi natinag...
hindi tumaliwas...
hindi nagsisi sa pagtulong sa lihitimong anak ng bayan.
Itinapon...
inilayo sa pamilya...
sa likod ng katandaan.
SUBALIT!!!!
hindi natinag...
hindi tumaliwas...
hindi nagsisi sa pagtulong sa mga tunay na anak ng bayan.
Ibinalik sa lupa ng sariling bayan.
Natuwa.
Nagalak.
Lumaya ang uugod-ugod na matanda.
Matandang tandang-tanda ng buong bansa
Matandang...........
Ina ng Katipunan...
Ina ng Demokrasya...
Ina ng Mga anak ni PILIPINAS...
Si TANDANG SORA,
siya nga ay bayani
at ina ng ating kalayaan...
Melchora Aquino...
ang mahalagang hiyas ng Poong Maykapal!