Biyernes, Disyembre 9, 2011






Benigno Noynoy Aquino
TAO KA LANG DIN P-NOY...walang ganyanan...


      Abay,palakpakan naman natin si P-Noy.Bukod sa may malasakit sa bayan eh may pagkaunprofessional ang ugali.Matake ba naman insultuhin sa harap ng mga kilalang justice personnels ang ating kagalang-galang na Chief Justice Renato Corona.Nag-iisip ba talaga siya at tuwid na daan ang kagustuhan o para lang maghiganti sa mga taong sabihin na lang nati'y hindi niya kursunada?
     Tulad na lang ng ganito,isa pang kamalian niya.Si pangulong Marcos ay masasabi na ring pangulong may pinakamaraming nagawa sa ating bayan.Abay ba't hindi niya payagang ipalibing sa libingan ng mga bayani eh talaga namang bayani iyon kaya lang tatawagin nating bayaning kinamuhian NIYA  at ng kakaunting IBA..Pero noong ipalibing ang Nanay niya eh,ewan ko lang.
     Sa bawat sasabihin pa niya eh laging paulit-ulit ang pangalan ng kanyang mga magulang.Hindi ba pwedeng minsan na lang silang banggitin...sa mga pagkilala na lang.
     Balikan natin ang desisyon ng Korte Suprema.Kaya marahil walang tigil ang kanyang pambatikos  dito eh dahil napagdesisyunang ipamahagi na ang hacienda Luisita sa mga magsasaka.Eng eng mo lang P-Noy.Oo..bilib ako sa iyong mga nagagawang mabubuti sa bayan pero bilib din ako sa pasimple mong hirit sa kapanatagan ng Demokrasya at Konstitusyon ng ating bayan.Sana huwag mong kalimutang tao ka rin...Kaya wala namang ganyanan!









      Sabado kasi...computer class kasi...may vacant eh...pero kahit walang vacant pwede na rin...basta't may chance na makaharap ang monitor at basta't may connection lang...syempre facebook agad ang bubuksan.
      Uso na ito pare,sabi ng marami.Kung wala ka nito eh parang sinabi mo na ring napag-iiwanan ka na ng panahon.
      Pero talaga nga bang nakatutulong ang facebook o nakasisira lang ng buhay at pag-aaral.Tama ngang ang facebook ay aklat din.Ngunit hindi ng mga babasahing pang-asignatura,ni hindi ng mga bagay na may kinalaman sa pagkatuto ng abakada,ng pagbasa,ng pagsulat,ng pagtula,ng paglaba,ng pagluto,ng pagsaing,ng marami pang ganito at ganyan.Kadalasa'y panayang lang ng panahon ang facebook.
      Pag-upo mo ay alas-otso pa lang ng umaga,pagtayo mo abay di mo namalayang takipsilim na pala.Minsan ay di na nakakakain,di na nakikipaglaro sa kapatid,sa kaibigan,sa alagang aso at pusa.Ni hindi na rin nakikipagkwentuhan sa mga mga magulang.
      Sa kabila naman niring mga bagay na aking pinangangalandakan, sasabihin ko ring napakahalaga ng mga social networking sites na ganito,most especially sa communication sa ating kapamilya saan mang sulok ng ating bansa o maging mundo.
      Pinatutunayan nga naman ng mga imbensyong ito na sa bawat bagay na kinalulugdan ay kailangang may maisakripisyo upang matagpuan ang tunay na kaligayahan.
      Pero ano na naman ito.Wala kang kamuwang muwang eh,basa na pala ang papel mo,sira na pala ang iyong dangal.Ang rason eh nahack at nablablabla ang account.
Naku kailan ba makikita ang kaligayahan sa mundong ito na walang puring natatapakan at walang pagkakataong pilit takasan.Kawawa naman tayo.
     Hay naku,mabuti pa'y tagabundok na lang ako.Malaya na sa buhay eh marami pang kaibigang ang katauha'y nariyan.Ano kaya kung marunong na ring mag-facebook ang lahat ng katutubo?








Dakila rin AKO

         Hay naku..narito na naman ang nagmamadaling panahon.Wala na halos napababayaang oras pero iba naman ang napababayaan...kung hindi pamilya eh sariling kapakanan.Basta lang makahanap ng pera kahit walang mata ay pinipilit na makakita.Kahit walang naririnig ay oo na lang sa nagtatanong.Parang walang mga hindi naiintindihan.Sino ba ang mag-aakalang maaaring mauhaw ang tigang na lupa?Sino ang magbabakasakaling tanungin ang kahapon?Sino ang magtatangkang suungin ang madilim na kweba ng nag-iisa?Sa palagay ko nga ay wala.Kahit ako marahil...tao rin ako...kadalasa'y nadarapa..natatakot...kadalasa'y nagkakamali...kadalasa'y napagkakamalang walang halaga.       
          At least tao pa rin ako.Hindi pa ako naiiba kay Jose Corazon de Jesus.Maaaring maging larawan o anino niya ako sa kasalukuyang panahon.Kunsabagay  ay may maibubuga rin naman ako.Hindi nga lang kasintindi ng naibuga ni Dr. Jose Rizal.Pero pwede pa rin ako mapabilang sa sinasabing..."walang Pangalan ang maraming dakila"....


wala lang daw..

Ang sabi nila...talagang ganito sa mundo,kung wala kang pera eh wala kang tinig...paos ka...garalgal ang tinig...walang kalatuy-latoy. Mahirap nga naman sa mundo ang mabuhay na ang tinatapakan mong lupa ay pagmamay-ari na rin ng iba...akala ko dati malaya sa mundo.Kahit ano ay maaari kong gawin,subalit ngayong ang isipan ko'y nagkabagwis na,tila nawala na ang kalayaang hindi ko pinahalagahan noon.Sa aking minsang paglalakad ay natinik ako ng napakalalim bagaman hindi naman ako matuling maglakad.Ang oras sa aking relos ay tila umaatras dahil ang panahong aking pinakahihintay ay tila lumalayo.Ang pag-asang nagpatatag sa akin ay nawawalan na ng katingkaran.Puno na ako ngayon ng mga alikabok ng kawalang malay sa mundo.Ang gunita ko'y unti-unting nalulusaw ng karalitaan.Nabahiran na ng pag-aalangan ang puso kong dati-rati'y kumikinang na diamante ng aking buhay..
                            Ano na ako bukas? ano na ako sa susunod na henerasyon. Ang tanging naiaambag ko ay ang sariling paninindigan na ako ay di dapat padaig sa kasamaan at pagkahuwad ng sandaigdigan.Sino ang makaaalala ng munti kong handog sa aking sariling bayan.Hindi ko magiging katulad si Gat Jose Rizal...si Andres Bonifacio...Si Huseng Batute...Si Huseng Sisiw...si Crispin Pinagpala...si Kuntil-butil...si Ilaw-silangan....oo hindi ko sila mapapantayan....sapagkat nauna na sila.Nahuli na ako sa kanila.Mababa na ang antas ng aking kakayanan.Wala na akong maipapantay sa kanila.Pero sa kabila ng lahat ng iyan...Ako..ako...si Pluma Batikos...si Anak-pawis...si Elyas amor magsulat...si Ilaw-dagitab...Si Makario Roy Magsulat...oo...ako...akong si Marvin Ric Mendoza na nananahan sa mundong umiikot ng mabilis...na merong facebook...na merong twitter...blogger at iba pa.Ako ay isang taong kahit papano'y may nagagawa rin sa kaunlaran ng aking INANG BAYAN....

Linggo, Disyembre 4, 2011

KARMA 'YAN CGMA

      Naku,itong si CGMA, ang daming katwiran...me sa ganito...me sa ganyan.Karma ang tawag sa nararanasan mo ngayon.Pero kung tuus-tuusin,marami kang nagawa sa ating bayan kaya nga lang nangibabaw ang iyong mga kamalian.Kumbaga ang ratio eh 1:100.Dahil iyan sa asawa mo.Hindi inisip ang kahihinatnan ng mga ginagawa.Kurakot palibhasa!
      Kawawa ka naman.Tila walang matuwid na Pilipinong nakikidalamhati sa iyo.Hay naku,buhay talaga.Huwag kang mag-alala,nauunawaan kita...tao ka lang.Kadalasang nagkakamali,maraming pagkakamali.Pero hindi mo maiaalis na isipin at sabihin ko at ng maraming Pilipino na KARMA 'YAN CGMA....dahil tao lang din kami.
     

Huwebes, Hulyo 7, 2011

sariling tula

KARALITAAN

Sa bukid na tigang ay naroo't nag-iisip
ang isang taong sa hirap lamang nagtitiis.
kung may katiting na gintong sana'y naisukbit,
ang lungkot na nadama'y sa saya ipagpalit.

Ang kahapo'y binalikang puno ng pangarap,
ang katiwasayan ay nais sanang malasap;
ngunit dahil doon sa maling hagdan umakyat,
sa halip na riwasa'y sa dalita naharap.

Ang buhay na natamo'y lubhang pinagsisihan,
'pagkat bagabag sa puso'y laging nananahan.
Naisip pa man ding ng langit ay niyurakan
at pilit na pinahalik doon sa putikan.

Ang buhay nga sa mundo ay tunay na baligho,
parang gatas na matamis na naging maanggo.
Ubod-bait man,dalita yaong natatamo,
ubod-tibay pa ngang pisi,dagling napupugto.

Ang dumi sa mundong ngayo'y naglipana,
isipin man at hindi ay Diyos din ang maygawa,
ang mga magnanakaw at sinungaling pa nga
ay 'di maitatatwang may silbi rin sa madla.

Ang dungis sa mukhang makikita vlang sa dukha
ay tunay ngang maysilbi at merong nagagawa.
Isipin mo kung wala kang dungis na makikita,
ang mga mariwasa'y tulad sa maralita.

Maraming nagsasabing ang Diyos daw ay maraya
'pagkat nakagapang lamang sila sa dalita
at ang mga katiting na yamang inaruga,
sa isang kisap-mata ay biglang nawawala.

Marami-rami na rin ang pating sa katihan
at babaeng marumi ang dangal at katawan.
Sa pag-ikot ng mundo' 'di dapat kalimutang
na ang mga sanhi't dulot niyo'y karalitaan.

Karalitaang kung isipi'y krus na mabigat
ang isang simbolong hadlang sa mga pangarap.
Ang ibang maralita'y sa langit umaakyat
at ang ibang mariwasa ay sa lupa bumabagsak.

Ang langit sa mariwasa'y lubhang mahalaga,
kawangis ay ginto at perlas ng maharlika.
Ang mahirap naman,sa anuma'y kuntento na
basta't mabuhay lang na marangal at masaya.

Karalitaa'y pagsubok sa kaydaming tao,
para sa mayayama'y papasanin ng husto,
sa mahihirap nama'y pampatatag ng puso
na mula sa kahapo't sa bukas patutungo.